Nasawi ang isang lalaki matapos siyang barilin ng kaniyang kaibigan at kainuman sa Passi, Iloilo.

Sa ulat ni Sevein Hope Gegantoca ng Super Radyo Iloilo sa Super Radyo dzBB nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang krimen sa kubo na pagmamay-ari ng suspek sa Barangay Aglalana.

Nagalit umano suspek nang mangantiyaw ang biktima na wala silang pulutan at nagbasag pa umano ng baso.

Pinagbabaril ng suspek ang biktima na nagtamo ng limang tama ng bala sa likod na kaniyang ikinasawi.

Naaresto naman ng mga pulis ang suspek na mahaharap sa reklamong homicide. --FRJ, GMA Integrated News