Nasawi ang isang motorcycle rider matapos siyang mabagsakan ng poste ng kuryente sa Cadiz, Negros Occidental.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing isang truck ang dumaan kaya sumabit ang mga kable at bumagsak ang poste sa Barangay Zone 4.

Batay sa imbestigasyon, patungo sana ng city proper ang lalaking biktima nang bumagsak ang poste nitong Miyerkules.

Nagtamo ang lalaki ng sugat sa katawan, at dead on the spot sa insidente.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang kaniyang mga kaanak.

Siniguro naman ng electric cooperative na magpapa-abot sila ng tulong sa pamilya ng biktima.

Iniimbestigahan na rin nila ang insidente, habang naibalik na ang suplay ng kuryente sa mga lugar na nakaranas ng brownout dahil sa nangyari.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News