Nasawi ang driver at dalawa nitong pahinante nang bumangga ang sinasakyan nilang delivery van sa ilang sasakyan at traffic signs sa Bokawkan Road sa Baguio City nitong Huwebes ng madaling araw.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon, sinabing may kargang mga car parts ang van, na unang nabangga ang isang utility vehicle dakong 3:30 a.m.

Ayon sa pulisya, mabilis ang takbo ng van sa pababang bahagi ng kalsada at nagpagewang-gewang bago bumangga sa papaakyat na utility vehicle.

“Pababa siya, mabilis at medyo pagewang-gewang. At doon nabangga niya ‘yung nakasalubong niyang [Tamaraw FX] na paakyat naman ng Bokawkan,” ayon kay Police Major Mary Grace Marron, spokesperson ng Baguio City Police Office.

Nagpatuloy sa pagbaba ang van hanggang sa bumangga sa ilang traffic signs, at sumalpok sa mga nakaparadang SUV at AUV.

Sa lakas ng pagkakabangga, nawasak ang van at naipit sa loob ang driver nito at dalawang kasama.

Kinailangang gumamit ang emergency responders ng metal saw para makuha ang tatlo pero hindi na sila nakaligtas.

“Unfortunately, ‘yung driver ng van at ‘yung dalawa nitong pasahero ay binawian na ng buhay,” ani Marron.

Ayon sa pulisya, hindi nakainom ang mga sakay ng van na patungo sana sa Baguio City at La Trinidad, Benguet para sa idedeliver na mga piyesa ng sasakyan.

Napag-alaman na residente ng Marilao, Bulacan ang driver habang hindi pa alam kung taga-saan ang dalawang pahinante.

Sugatan din ang driver ng utility van na unang nabangga ng delivery van.

“Patuloy pa rin po natin na inaalam kung ano talaga ‘yung [sanhi], kasi initially po, human error. On-going pa rin ‘yung pag-i-investigate natin,” ayon kay Marron.-- FRJ, GMA Integrated News