Kinondena ng animal welfare groups at netizens ang rider sa nag-viral na video na makikitang may kinakaladkad siyang aso sa kaniyang motorsiklo sa Calasiao, Pangasinan.
Sa ulat ni Jewel Fernandez sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, makikita sa video footage na nagagawa pa ng aso noong una na maglakad habang nakatali sa likod ng motorsiklo hanggang sa makaladkad na siya.
Nahuli-cam umano sa CCTV camera ng Barangay Banaoang ang insidente pero lumalabas na hindi residente sa lugar ang rider.
“’Yung pagkakita natin doon sa paghila niya ng aso, malamang ‘yung aso na ‘yun, nagkapilay-pilay. I would say na mamamatay talaga ‘yun. Hindi ‘yun magsu-survive sa ganoong ginawa niya kasi hindi naman naipa-vet ‘yun eh,” ayon kay Greg Quimpo, Regional Manager of the Animal Welfare Investigations Project.
Sinabi ni Barangay Chairman Marieta Velasco na mayroong nag-report sa kanila tungkol sa pangyayari kaya sinuri nila ang CCTV, at nakumpirma ang sinapit ng aso.
“’Yung matanda na dumaan kasama ‘yung aso na kinaladkad niya, na-review na namin. Alam na po namin kung nasaan siya at pupuntahan namin,” pahayag pa ni Velasco.
Hinahanap na ng mga awtoridad ang rider, maging ang aso para malaman kung ano ang sinapit nito.
Sa ilalim ng Animal Welfare Act (RA 8485), bawal na saktan at pahirapan ang mga hayop. Kasama sa parusa sa magkakasala ang multa na hanggang P100,000 at pagkakakulong ng hanggang dalawang taon kapag namatay ang hayop.
“That’s torture, klarong-klaro sa batas ‘yung ginawa niya. That’s a violation ng RA 8485, Animal Welfare Act. Kapag namatay ‘yung aso, I think going around 100,000, pagkakulong ng 2 years, kung namatay. Now, we have to recover ‘yung aso, saan napunta ‘yung aso,” ani Quimpo.
Samantala, inihayag ng Calasiao Police Station na hindi pa nakikipag-ugnayan sa kanila ang barangay para sa pagsasagawa ng imbestigasyon.--FRJ, GMA Integrated News
