Nakita na ang rider na nag-viral ang video dahil sa pagkaladkad sa isang aso na nakatali sa kaniyang motorsiklo. Nakita rin ang aso na buhay bagaman nagtamo ng sugat sa paa.
Sa ulat ni Jewel Fernandez sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, napag-alaman na 65-anyos na ang rider, na residente sa isang barangay sa Dagupan City.
Sa ulat nitong Lunes, sinabi ng opisyal ng Barangay Banaoang sa Calasiao na sinuri nila ang kanilang CCTV camera nang may mag-report tungkol sa asong kinakaladkad sa motorsiklo.
Pinuntahan ng Calasiao Veterinary Office at mga pulis ang rider at nakumpirma na siya ang nakita sa video ng barangay Banaoang.
Ayon sa pulisya, ipinaliwanag ng rider na alaga niya ang aso at ililipat lang niya ng lugar. Wala umano siyang intensyon na saktan ang aso.
“Gusto niya ilipat sa bahay ng anak niya kaya itinali niya roon. Ang sabi naman niya, dahan-dahan lang ‘yung takbo ng motor niya. Noong una, nakakasabay pa raw ‘yung aso. Pero later on, hindi niya napansin na nakaladkad na ‘yung aso,” ayon kay Police Captain Anthony Doctolero, deputy chief ng Calasiao Police Station.
Sinabi pa umano ng matandang rider na tumigil siya nang makaladkad ang aso at bitbitin na lang ang hayop.
Nakita ring buhay ang aso na may sugat sa paa pero ginamot na ng municipal veterinary team.
“So far ‘yung aso is buhay naman at okay naman. May sugat siya sa paa pero nagamot na, naka-bandage na. Malakas na siya,” ayon kay Dr. Jorge Bandong, Calasiao Municipal Veterinarian.
Bagaman nananatiling nasa pangangalaga ng mag-ari ang aso, ipinaliwanag umano sa rider ang posibleng legal na usapin na kaharapin niya sa ginawang pagtali sa aso sa likod ng kaniyang motorsiklo.
“Pinag-aaralan natin ‘yung mga kaso na puwedeng isampa, sa Animal Welfare Act. Papasok siya sa animal cruelty pero pinapaubaya na namin sa Veterinary Office ang legal na aksyon na gagawin,” ani Doctolero. -- FRJ, GMA Integrated News
