Napatay ng mga awtoridad sa Baggao, Cagayan ang pangunahing suspek sa pagpatay sa dalawang pulis sa Bulacan na nagsagawa ng buy-bust operation noong nakaraang Marso. Ang baril ng isa sa mga nasawing pulis na tinangay ng suspek, nabawi.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, kinilala ang suspek sa alias na "Xander," na itinuturong nasa likod ng pagpatay sa dalawang pulis na sina PSSg Cudiamat at PSSg Dela Cruz, sa Bocaue, Bulacan noong Marso 8.

BASAHIN: 2 pulis, patay nang manlaban ang suspek na target sa buy-bust ops sa Bocaue, Bulacan

Natunton ng mga awtoridad ang pinagtataguan ng suspek sa Barangay Bacagan, at tinangka siyang arestuhin noong tanghali ng June 4.

Pero sa halip na sumuko, bumunot umano ng baril ang suspek at nagpaputok. Nagsabi pa raw ang suspek na hindi siya magpapahuli nang buhay.

Gumanti naman ng putok ang mga pulis na dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Nakuha rin sa pinangyarihan ng engkuwentro ang isang Glock pistol, na pinaniniwalaang baril ng isa sa mga pulis na napatay na kaniyang tinangay nang tumakas.-- FRJ, GMA Integrated News