Isang 13 taong gulang na babae ang nabuntis matapos ilang beses gahasain umano ng isang 19-anyos na lalaki sa Calamba, Laguna. Ang nahuling suspek, dumepensang pareho nilang ginusto ng biktima ang nangyari.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang video ng pagtugis sa lalaki na babasahan na dapat ng Miranda Rights nang bigla siyang tumakbo para takasan ang pulisya sa munisipyo ng Bay.
Makaraan ang ilang minutong habulan, inabutan din ang suspek na isang construction worker, na wanted dahil sa reklamong statutory rape.
Batay sa PNP-PRO4A, ilang beses umanong hinalay ng suspek ang biktima na humantong sa pagbubuntis nito.
“Wala pong halong pamimilit ‘yung ginawa po namin ng anak nila po, sir. Parehas po namin ginusto ‘yung nangyari, sir. Sana po mapatawad po nila ako,'' depensa ng suspek sa reklamong isinampa sa kaniya.
Ang ama ng biktima, hindi matanggap ang kinahinatnan ng anak sa kamay ng suspek.
“Sobrang sakit, sir. Sa totoo lang idinadaan ko na lang sa pagdarasal...Talagang gusto ko pong mabulok sa kulungan ‘yan,” sabi ng ama ng biktima. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
