Nakaranas ng matinding baha ang ilang lugar sa Cagayan de Oro City bunsod ng matinding pag-ulan nitong Martes, June 10, 2025.
Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkules, makikita sa mga video footage at mga larawan ang epekto ng pagbaha, maging sa mga lansangan Crossing Bolonsiri sa Barangay Camaman-an.
Isang pampasaherong jeepney ang nakitang paatras na tinangay ng baha. Ilang sasakyan din ang nalubog sa tubig.
Kaagad namang kumilos ang City Disaster Risk Reduction and Management Department (CDRRMD) upang tulungan ang mga apektadong residente.
Inilikas din ang mga residente sa mga low-lying areas at pansamantalang nagtungo sa evacuation area. Nagsiuwian din sila nang humupa na ang baha.
Tumulong din ang mga tauhan ng CDRRMD upang linisin ang covered court sa Barangay Camaman-an. Naging abala rin ang mga residente sa paglilinis sa binaha nilang mga bahay.
Sinusuri naman ng lokal na pamahalaan ang pinsalang idinulot ng pagbaha.
“Wala pa gani mitaas ang tubig tua na sila naghulat na nagbantay na sila kung kinsa ang tagaan og higayon sa pagtabang nga mismo sa mga tawo nga nakakita sa ilaha adunay paglaum nga aduna diay gobyerno nga ilang malauman nga naa diay gobyerno nga wala sila talikdi ug biyae,” ayon kay Mayor Rolando Uy. -- FRJ, GMA Integrated News
