Timbog ang isang lalaki dahil sa pagtangay sa motorsiklo ng kaniyang kababata sa Quezon City para umano makauwi sa kanilang probinsiya.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood sa CCTV ang paglalakad ng suspek na may dalang helmet sa bahagi ng Barangay Escopa III.
Makaraan ang ilang minuto, makikita na ang lalaki sa isa pang anggulo na nakasakay sa ninakaw niyang motorsiklo.
Pagsikat ng araw, natuklasan ng may-ari na wala na ang kaniyang motor, kaya agad niya itong isinumbong sa barangay at ini-report.
Nang suriin ang CCTV footage, namukhaan ng biktima ang suspek, na kaniya raw kababata at dating kapitbahay sa lugar.
Nagkasa ng follow-up operation ang pulisya sa San Jose del Monte, Bulacan, at doon na namataan at inaresto ang 32-anyos na suspek sa gilid ng kalsada.
Nabawi sa kaniya ang ninakaw na motorsiklo, na inalisan na ng plaka at fairings.
Nabilanggo na rin noon ang suspek dahil sa kasong may kaugnayan sa ilegal na droga. Sinampahan naman siya ngayon ng reklamong paglabag sa new anti-carnapping law.
“Ninakaw ko po ‘yun, gawa po ng kahirapan. Ginamit ko lang po 'yun kasi gusto ko po umuwi doon sa amin sa Bulacan,” sabi ng arestadong suspek. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
