Nasawi ang isang pulis habang sugatan ang anim niyang kasamahan matapos bumangga sa concrete barrier ang kanilang sasakyan sa Alabel, Sarangani.
Sa ulat ni Jerwen Paglinawan ng Super Radyo General Santos sa Dobol B TV, parehong inilahad ng Sarangani Provincial Police Office at Police Regional Office 12 na mga kasapi ng Regional Headquarters Support Unit ng Police Regional Office 12 ang mga naaksidenteng pulis.
Lumabas sa imbestigasyon na papunta sa General Santos City ang pitong pulis galing sa lamay ng ina ng kanilang kasamahan nang maganap ang insidente sa Barangay Poblacion.
Patay ang isa sa kanila na may ranggong Police Executive Master Sergeant sa lakas ng impact.
Kasalukuyang nagpapagaling sa ospital ang mga sugatang pulis. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News