Timbog ang isang 52-anyos na lalaki na isa umanong pekeng doktor na may-ari ng apat na clinic at nagrereseta sa mga pasyente sa Dasmariñas, Cavite.

Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing dinakip ng mga taga-National Bureau of Investigation - Cavite North District Office North (CAVIDO North) ang kanilang primary target sa kaniyang medical clinic nitong Huwebes matapos makakuha ng hudyat galing sa kanilang undercover.

Sinabi ng NBI na isang asosasyon ng mga doktor ang nagreklamo matapos nilang matuklasang hindi tunay na doktor ang suspek.

“Meron siyang mini-maintain na around four medical clinics, at siya ay tumatanggap ng mga pasyente, nag-i-issue ng prescription, humingi ng bayad para sa kaniyang serbisyo. Pati sa mga hospital nga, umaabot ang mga prescription nito na ibinibigay sa mga pasyente. Nagsagawa ng verification from the PRC [Professional Regulation Commission] at napag-alaman natin na siya po ay hindi kasama sa listahan ng mga licensed physicians sa Pilipinas,” sabi ni Atty. Eric Nuqui, hepe ng NBI - CAVIDO North.

Nabawi ang marked money na binayad sa pekeng doktor at kumpiskado rin ang ilang ebidensya gaya ng mga reseta at mga gamot.

“Kung ikaw po ay walang kaukulang competence para sa trabahong nito, ay maaaring ma-misdiagnose mo at makapag-prescribe ka ng maling gamot sa mga pasyente na imbis na bumuti, ay baka lalong mapasama,” sabi pa ni Nuqui.

Sinisikap pa ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng suspek na na-inquest na sa reklamong paglabag sa Medical Act.

Posibleng makulong ng hanggang limang taon ang suspek sakaling mapatunayan ang kaniyang pagkakasala. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News