Sugatan ang apat na rider matapos magkarambola ang mga motorsiklo na kanilang minamaneho sa Davao City.
Sa ulat ng GMA Regional TV News sa Balitanghali nitong Lunes, makikita sa video footage sa Barangay Los Amigos na magkakasunod na bumibiyahe ang anim na motorsiklo.
Pero nasagi ng isang motorsiklo ang isang motorsiklo na nasa kaniyang unahan na dahilan para sumemplang. Hanggang sa nadamay na rin at sumemplang ang tatlong kasunod niyang rider.
Nagtamo ng mga sugat sa katawan ang mga rider na dumausdos sa kalsada.
Mabuti na lang na walang mas malaking sasakyan na nakasunod sa kanila.
Ayon sa opisyal ng barangay, magkakasama umano ang mga rider na sangkot sa insidente na walang ibinigay na pahayag.—FRJ, GMA Integrated News
