Isang lalaki ang nasawi matapos siyang pagsasaksakin at iuntog pa ang ulo sa pader ng kaniyang kapatid na kaniyang ginising para ipaalam na dinala sa ospital ang kaniyang anak sa Mangaldan, Pangasinan.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nangyari ang krimen sa bahay ng magkapatid sa Barangay Bari.

Ayon sa pulisya, nagalit ang suspek na si Rafael Caoile, matapos siyang gisingin ng biktimang kapatid na si Monny Caoile, 44-anyos.

Napag-alaman na pinuntahan ni Monny sa kuwarto ang suspek na si Rafael at ginising para ipaalam sa suspek na dinala sa ospital ang anak nito na nahirapang huminga.

Nang bumalik ang biktima sa kaniyang kuwarto, sinabi ng ina ng magkapatid na si Flora, na pinasok ni Rafael ang kuwarto ni Monny at doon na pinagsaksak ang biktima.

Sakabila ng mga saksak na tinamo, nagawa pa ni Monny na makatakbo palabas ng bahay upang humingi ng tulong. Pero sinundan siya ng suspek at saka inihampas ang ulo sa isang pader.

Kinalaunan, binawian na ng buhay ang biktima.

Napag-alaman naman na bago ang krimen, nakipag-inuman ang biktima.

Ayon kay Police Captain, Vicente Abrazaldo ng Mangaldan Police Station, kinasuhan ng homicide ang suspek. – FRJ, GMA Integrated News