Sa kabila ng panganib ng pagragasa ng ilog, buwis-buhay na tumatawid sa mga kable ang ilang estudyante para makapasok sa kanilang paaralan na nasa kabilang barangay sa Kayapa, Nueva Vizcaya.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapanonood ang pagbalanse ng mga mag-aaral sa mga kable habang pasan-pasan ang kanilang bag at mga payong.

Ayon sa guro na si Glory Smith, nagmula ang mga bata sa Barangay Latbang. Walang high school sa lugar kaya kailangang tumawid ng mga bata sa ilog para mapuntahan ang paaralan sa kabilang barangay.

Sa kasamaang palad, winasak ng malakas na bagyo ang nag-iisang tulay doon noong 2024.

"Dati naman, may tulay doon na bakal kung saan puwedeng dumaan ang motor or habal-habal at ang tao. Ang nangyari, nu'ng dumating ang Bagyong Pepito, tinangay po 'yung tulay na 'yun kaya napipilitan na po ang tao na dumaan doon sa ilog," kuwento ni Teacher Glory.

Noong isang araw, sumama ang panahon kaya malakas din ang daloy ng tubig sa ilog.

Ngunit ang mga bata, ayaw lumiban sa klase.

"Kapag maaraw o kaya'y hindi maulan, matatawid naman nila mismo 'yung ilog kahit nababasa sila. Pero kahapon po, dahil diretso, malakas ang agos ng tubig kaya hindi nila kayang tawirin. E mga bata pa 'yung mga 'yun. Kaysa bumalik sila sa kanilang lugar, malayo pa 'yung kanilang babalikan, mas gusto na lang nilang tumuloy kasi basang basa na rin sila," anang guro.

Sa awa ng Diyos, ligtas na nakatawid ang mga bata.

Nag-viral ang video ng pagtawid sa kable ng mga estudyante, at may mga nangako at nag-abot ng tulong para sa kanila.

Isa ring mambabatas ang nakapansin sa kanilang sitwasyon.

Ikinatuwa ng mga estudyante, guro at residente na posible nang matuldukan ang kanilang kalbaryo ng kawalan ng tulay at kahit paano, nakararamdam sila ng pag-asa.

"Sa bawat kable na tinatawid nila, may tawag para sa tulong, may hamon para sa pagbabago, at may paalala na kahit sa pinakamalayong sulok ng bansa, may batang kumakapit sa pangarap," sabi ni Teacher Glory. – Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News