Lumulutang na bangkay na at may sugat sa dibdib, tagiliran at noo nang matagpuan ang isang babae sa isang sapa sa Barangay Dela Paz, Antipolo City.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nakita ng mga residente ang katawan ng biktima nitong Miyerkoles.
Sinabi ng barangay na inanod ang bangkay sa bahagi ng Bocobo Bridge kaya rumesponde ang mga tanod ng Barangay Dela Paz, Antipolo Rescue, pulisya at SOCO.
“'Yung katawan naman ng bangkay, hindi naman siya pa bloated talaga. Hindi pa siya 'yung babad na babad sa tubig. Pero nu'ng inahon, nakita namin na babae siya, tomboy. Kasi parang may girdle siya sa dibdib niya,” sabi ng Renaldo Sagun, tanod ng Barangay Dela Paz.
Nakabihis ng itim na t-shirt, shorts, at medyas ang biktima.
“Noong itinihaya siya doon namin nakita ‘yung tama niya dito sa dibdib, dalawa. Tapos isa sa tagiliran. Sugat na parang sinaksak,” ayon pa kay Sagun.
May nakita ring sugat sa noo ang biktima.
“‘Yung dito sa noo hindi namin alam kung saan tumama ‘yun o baka nu’ng pagbagsak niya o pag-agos sa kaniya siguro may tinamaan siyang bato roon o tumama 'yung ulo niya sa bato kaya siguro nagkaroon ng butas,” anang tanod.
Patuloy ang pag-iimbestiga ng mga awtoridad habang nakikipagtulungan na rin ang barangay sa kanila para malaman ang pagkakakinalan ng biktima.
Posibleng inanod lang sa lugar ang narekober na bangkay. —Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News
