Isa pang menor de edad na suspek sa pagpatay at pagnanakaw sa 19-anyos na estudyanteng babae sa Tagum City, Davao del Norte ang naaresto.

Sa ulat ni Jandi Esteban sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing 15-anyos na lalaki ang nadakip.

Una nang nadakip ng mga pulis ang dalawang suspek na edad 14 at 17, at nakuha sa kanila ang ilang gamit ng biktima na kinuha nila mula sa bahay nito.

Mula sa Maragusan, Davao de Oro ang tatlong menor de edad na suspek.

Isa pang suspek ang hinahanap na edad 18 na residente ng Mati City.  

Natukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek dahil sa CCTV camera ng kapitbahay na nakita ang apat na ilang beses dumaan sa bahay ng biktima, isang araw bago naganap ang krimen.

Napag-alaman na kakauwi lang noon sa Tagum ng biktima mula sa Maynila kung saan ito mag-aaral.

Nakita siya ng kaniyang ama sa kuwarto na duguan at may 38 saksak sa katawan at leeg.

Nawawala ang kaniyang mga gamit gaya ng laptop, cellphone, tablet, at relo.

Pagnanakaw umano ang pakay ng mga suspek pero nagising at nakita raw sila ng biktima kaya nila ito pinatay.

Mahaharap sa kasong robbery with homicide ang mga suspek. – FRJ, GMA Integrated News