Dalawa ang nasawi – kabilang ang batang 10-taong-gulang—matapos siyang paghahampasin ng fire extinguisher at saksakin ng screw driver ng isang lalaking nagwala sa loob ng isang computer shop sa Santo Tomas, Davao del Norte. Ang naarestong suspek, hinihinala ng pulisya na sabog sa ilegal na droga.

Sa ulat ni Jandi Esteban sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabing nangyari ang brutal na krimen sa Barangay Tibal-og nitong Lunes ng madaling araw.

Sa imbestigasyon ng pulisya, naglalaro sa computer shop ang 25-anyos na suspek nang bigla itong magwala at atakihin ang mga biktimang edad 10 at 22.

Ayon sa pulisya, nagtamo ng mga saksak at sugat sa katawan at ulo ang dalawang biktima.

Nagkawasak-wasak din ang mga gamit sa loob ng computer shop.

Nang dumating ang mga awtoridad, naghubo’t hubad pa ang suspek, na kanilang naaresto.

Ayon kay Police Major Eduardo Corpuz, hepe ng Santo Tomas Police station, may indikasyon na sabog sa ilegal na droga ang suspek.

“Kining suspetsado niabot daw ni sa computeran nga hubog human nasuko siya kay gipulihan lagi daw siya sa iyang lingkuranan. Kaning minor gidunggab niya sa screw driver, nay samad sa likod dughan ug sa ulo. Ang isa, gibunalan pud niya og fire extinguisher mao ng nangamatay,” ayon kay Corpuz.

Sinabi rin ni Corpuz na inamin ng suspek na gumamit ito ng shabu pero wala silang nakuhang ilegal na droga nang madakip ang lalaki.

Sasampahan ng kasong double murder ang suspek na hindi nagbigay ng pahayag.—FRJ, GMA Integrated News