Kahit sa pedestrian lane tumawid, hindi pa rin nakaligtas ang isang senior citizen na babae matapos na nahagip ng isang motorsiklo sa San Fernando, Pampanga.
Sa ulat ni Glam Calicdan-Dizon sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, makikita sa video footage na maingat na tumatawid ang 78-anyos na biktima sa MacArthur Highway sa bahagi ng Barangay Telabastagan sa San Fernando City.
Nasa kalagitnaan na siya ng kalsada nang biglang dumating motorsiklo na minamaneho ng 34-anyos na rider, at nasagi ang biktima.
Natumba ang biktima na dinala sa ospital ng mga rumespondeng awtoridad. Nagtamo rin ng minor injuries ang rider.
Sinabi umano ng rider sa mga awtoridad na hindi niya kaagad nakita ang biktima dahil may kadiliman sa lugar.
"Three times na X-ray [ang biktima], okay naman, wala namang lumitaw na unusual. Tapos meron pa siyang CT scan. Sa CT scan, kung may lilitaw na unusual, iso-shoulder ng kabila [ng rider] kasi may settlement agreement naman sila mula sa lawyer," ayon kay Police Major Fernando Tolentino, Station Commander ng CSFP Substation 4.
Nagpaalala si Tolentino sa motorista at tumatawid na maging maingat sa paggamit ng kalsada lalo na kung madilim ang lugar.
"Kapag tumatawid po [ang tao] sa pedestrian lane, mag-menor po tayo [mga motorista] kasi marami pong tumatawid doon. Magdoble-ingat po tayo. Sa mga tumatawid naman po, kapag po tumatawid, tinitingnan din po ‘yung paparating magkabilang panig kasi may mga motorista din po na reckless kahit makita po ang pedestrian," ayon sa pulis.-- FRJ, GMA Integrated News
