Dalawa ang nasawi at isa pa ang sugatan nang sumalpok sa dalawang bahay ang isang dump truck sa Barangay Cuevas sa Trento, Agusan del Sur.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabi na ang driver ng truck at isa niyang pahinante ang nasawi sa aksidente.

Sugatan naman at dinala sa ospital ang may-ari ng isa sa dalawang bahay na napinsala.

Ayon kay Trento Police Station Chief, Police Major Carmelo Malupay, residente ng Santa Josefa, Agusan del Norte ang driver at pahinante ng truck.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, mabilis umano ang takbo ng dump truck na may kargang mga buhangin.

Nawalan umano ng kontrol ang driver sa truck nang magka-aberya ang preno nito hanggang sa bumangga sa dalawang bahay.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. – FRJ, GMA Integrated News