Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki matapos siyang mangholdap umano gamit ang pellet gun ngunit nasunggaban ng kaniyang biktima sa Barangay Santa Maria, Zamboanga City.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing nasa parking lot ang dalawang biktima nang tutukan sila ng baril ng isang lalaking nakamotorsiklo, at hiningi ang kanilang cellphone at wallet, batay sa imbestigasyon.
Pagkapasok ng suspek ng baril sa kaniyang bewang, doon na siya sinunggaban ng isa sa mga biktima.
Nadakip ang suspek matapos tumugon ang mga tanod at pulisya.
Nasabat sa suspek ang ginamit na baril, na isa palang pellet gun.
Hindi nagbigay ng pahayag ang suspek, na mahaharap sa reklamo. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
