Nasawi ang isang ginang at anak niyang babae matapos na mabangga ng isang ambulansiya ang sinasakyan nilang tricycle sa Labo, Camarines Norte nitong Miyerkules. 

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “Saksi”, sinabi ng Labo Municipal Police Station na maghahatid ng pasyente sa Camarines Norte Provincial Hospital sa Daet ang ambulansiya nang mangyari ang insidente sa Maharlika Highway, sa Barangay Bulhao kaninang tanghali.

Minamaneho ng padre de pamilya ang tricycle ng mga biktima na pauwi na mula sa paaralan.

Sa lakas ng pagkakabangga, bumaliktad ang tricycle. Nadala pa sa ospital ang mga biktima pero binawian din ng buhay ang mag-ina.

Malubha naman ang kalagayan ng padre de familya.

Ligtas naman ang mga sakay ng ambulansiya, pati na ang pasyente.—FRJ, GMA Integrated News