Nasawi ang mag-asawang senior citizens matapos silang pagsasaksakin ng kanilang manugang na lalaki sa San Lorenzo, Guimaras. Nag-ugat umano ang away nang tutulan ng mag-asawa ang pagdadala ng biyudong suspek ng girlfriend nito sa kaniyang bahay.
Sa ulat ni Julius Bilacaol sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Miyerkoles, sinabing parehong edad 68 ang mag-asawa na residente ng Barangay Aguilar.
Napag-alaman na biyudo na ang 39-anyos na suspek matapos pumanaw ang asawa nito na anak ng mag-asawang biktima noong April 2024. Naiwan sa kaniya ang tatlo nilang anak na 11-anyos ang panganay at 2-anyos naman ang bunso.
Ayon sa pulisya, tutol ang mag-asawa sa ginagawa ng suspek na pagdadala ng bagong kasintahan nito sa bahay na nasa compound ng pamilya.
“Pinagsasabihan ito at pinagagalitan ng kaniyang biyenan na huwag dalhin o umalis siya diyan kasi may kinakasama na siyang ibang babae. Diyan nagsimula ang sama ng loob,” ayon kay Police Captain Joje Gania, hepe ng San Lorenzo Municipal Police Station.
Nang malasing ang suspek, muli silang nagkaroon ng komprontasyon ng kaniyang mga biyenan na nauwi sa malagim na krimen.
Nagtamo ng 12 saksak ang babae, habang apat na saksak naman ang tinamo ng lalaki.
Dalawang iba na nagtangkang awatin ang suspek ang nasugatan pero maayos na ang kalagayan.
Mahaharap ang suspek sa mga kasong two counts of murder at two counts of attempted homicide. – FRJ, GMA Integrated News
