Nakaranas ng baha at landslide ang ilang parte ng Western Visayas dahil sa masamang panahong dulot ng Habagat.

Sa ulat ng Balitanghali nitong Biyernes, sinabing nagka-landslide sa Barangay Abiera dahil sa pag-ulan sa Sebaste, Antique.

Tatlong bahay ang natabunan, bukod pa sa natumbang mga puno. Halos umabot na sa bubong ng isang bahay ang gumuhong lupa.

Sa Barangay Bacalan naman, isang lalaki ang tinangay ng baha na patuloy na hinahanap.

Nakaranas din ng pagbaha sa bayan ng Culasi.

Maliban sa mga kalsada, pinasok na rin ng tubig ang ilang paaralan.

Sa Negros Occidental, inilipat ang isang kabaong sa gitna ng buhos ng ulan sa bayan ng Kabankalan matapos bahain ang bahay kung saan ito unang nakaburol.

Isang babuyan din ang hindi nakaligtas sa baha sa Barangay Caradio-an sa Himamaylan.

Inilikas din ang mga residente sa iba't ibang lugar sa probinsya dulot ng pagtaas ng tubig. – Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News