Umabot na sa P2 milyon ang pabuyang inilaan ng mga lokal na opisyal ng Surigao del Sur na ibibigay sa sino mang makapagbibigay ng impormasyon para madakip ang mga pumatay sa radio broadcaster na si Erwin Segovia sa Bislig City.
Sa ulat ni Sarah Hilomen Velasco sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabing ang reward money ay mula sa dating alkalde ng bayan ng Cantilan, congressional office ng Surigao del Sur, at ng provincial government.
Sa isang pahayag, sinabi ni Governor Johnny Pimentel, nag-alok sila ng pabuya ni Congressman Alexander Pimentel, para sa paghahanap ng katarungan at pakikiisa sa pamilya ng biktima.
“The entire province of Surigao del Sur mourns the tragic and senseless killing of Mr. Boy Segovia, a dedicated member of the local media and a fellow Surigaonon,” ayon sa gobernor.
Nakikipagtulungan umano ang gobernador sa mga awtoridad para mabilis na malutas ang kaso.
“Violence, especially against those who serve the public by shedding light on truth, has no place in our province or anywhere in our nation. This senseless act must not go unpunished,” dagdag ni Pimentel.
Binaril at pinatay si Segovia noong Lunes sa Barangay Mangagoy, habang pauwi na sakay ng motorsiklo matapos ang kaniyang programa sa radio kung saan tinatalakay nina ang mga social issue, local governance, at usapin sa komunidad.
Nagtamo ng tama ng bala sa ulo ang biktima, at nakatakas ang mga salarin na sakay din ng motorsiklo.
“Siya yung biktima at yung 2 unidentified suspect riding also a motorcycle kagagaling niya doon sa station, wherein doon siya naka-station, binaril sa head. Causing his instantaneous death yung pagbaril sa ulo niya,” ayon kay Police Regional Office-Caraga Spokesperson, Police Major Jenifer Ometer.
Binuo na ang special investigation task group (SITG) Segovia para tutukan ang kaso. – FRJ, GMA Integrated News
