Halos hindi na makilala ang isang lalaki matapos siyang pagtatagain at hinihinalang binagsakan pa ng bato sa mukha ng kaniya mismong kapatid sa Davao City. Ang kinakasama ng biktima at anak nilang 11-buwang-gulang, sugatan din.
Sa ulat ni RGil Relator sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang krimen sa bahay ng 34-anyos na biktima sa Barangay Wangan, Calinan district nitong Linggo ng madaling araw.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na bago mangyari ang brutal na krimen, nag-inuman pa ang biktima at kaniyang kapatid na suspek na 39-anyos.
Nang umuwi ng suspek, nagkaroon ito ng pagtatalo sa asawa na pinaghihinalaan niyang may lihim na relasyon sa kaniyang kapatid na biktima.
Sa takot ng asawa, umalis ito ng bahay kasama ang mga anak. Habang ang suspek, pinuntahan ang bahay ng natutulog na mga biktima at doon na ginawa ang krimen.
Agad na nasawi ang lalaking biktima, habang patuloy na nagpapagaling ang mag-ina niya na nadamay sa galit ng suspek.
Mahaharap ang suspek sa kasong murder at frustrated murder na wala pang pahayag. –FRJ GMA Integrated News
