Nasawi ang isang 15-anyos na lalaki sa Mangaldan, Pangasinan matapos malunod sa ilog. Ang biktima, nakahawak umano sa hawakan na bakal sa tulay pero biniro at kiniliti ng kasama kaya nakabitaw.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, nangyari ang trahediya sa tulay ng Old Mangaldan River, nitong Miyerkules ng gabi sa Sitio Baybay, Barangay Bantayan.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, naglalaro sa tulay ang biktima kasama ang tatlong kaibigan. Nakakapit sa bakal na nagsisilbing hawakan sa tulay ang biktima nang biruin ito ng isang kasama at kilitiin.

“Nakakapit siya, kaya lang kiniliti, kaya ayun [nakabitaw], nahulog na siya [sa ilog],” ayon sa isang saksi.

Labis ang hinagpis ng lola na si Lucresia Lozada, na nag-alaga sa apo.

“Palagi kong sinasabi sa kanya na umiwas na siya sa mga barkada niya kasi makulit ang apo ko, pero kahit ganun, mahal na mahal ko ang apo ko,” saad niya.

Dahil na rin sa lakas ng agos, naging pahirapan ang paghahanap sa biktima na tumagal ng apat na oras bago nakita ang kaniyang katawan.

Sasampahan ng reklamong reckless imprudence resulting in homicide ang 18-anyos na kasama ng biktima na kumiliti sa kaniya. – FRJ GMA Integrated News