Nakita na ang bangkay ng 17-anyos na lalaki na dalawang araw nang nawawala matapos sagipin mula sa pagkalunod sa isang beach sa Davao City ang dalawa niyang kaibigan.

Sa ulat ni Rgil Relator sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabing hindi na nakabalik sa baybayin ang biktima matapos na matulungan ang dalawang kaibigan na nalulunod sa isang beach sa Barangay Dumoy noong Sabado.

Nitong Lunes ng hapon, nakita ang katawan ng biktima na lumulutang malapit sa Toril Fishport sa Barangay Daliao.

Sinusubukan pa ng GMA Regional TV One Mindanao na makuhanan ng pahayag ang pamilya ng binatilyo.

Samantala, isang lalaki na pitong-taong-gulang ang nalunod sa isang resort din sa Barangay Dumoy, nitong Linggo.

Ayon sa pulisya, sinabi ng ina ng bata na bilang nawala sa kaniyang paningin ang kaniyang anak habang naliligo sila sa dagat.

Hanggang sa makita ang biktima na walang malay na bata sa baybayin na malapit sa bato.

Matapos na subukan na i-revive ang biktima, isinugod siya sa ospital pero idineklarang dead on arrival.—FRJ GMA Integrated News