Nasawi ang isang lalaki matapos siyang barilin ng nakababatang kapatid na kaniyang nakatalo dahil sa panabong na manok sa Sibonga, Cebu. Ayon sa ama, posibleng napuno ang suspek sa kaniyang kuya dahil sa pambubugbog nito sa kaniya tuwing lasing.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali, sinabi ng pulisya na umuwi ang biktima na may dala-dalang bihag o natalong manok at inutusan ang nakababatang kapatid na ihawin ito.

May bitbit din ang biktima na isa pang manok na namatay matapos manalo sa sabong.

Ang akala ng suspek, isasama rin ito sa iihawin kaya hinugasan at hiniwa na niya ito.

Dahil dito, nagkasagutan umano at nagsuntukan ang magkapatid, hanggang sa awatin sila ng kanilang ama.

Pagkaalis ng magkapatid, sa daan na pinagbabaril ng suspek ang kaniyang kuya.

Ayon sa kanilang ama, posibleng napuno na ang suspek sa kaniyang kuya dahil binubugbog siya nito sa tuwing lasing.

Mahaharap sa kasong murder ang suspek na nagsisisi sa kaniyang nagawa. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News