Bistado ang ginagawang pagtatapon ng dumi ng tao sa isang kanal mula sa isang truck sa Cainta, Rizal. Ang tatlong sakay nito, bistado.
Sa ulat ni Saleema Refran sa 24 Oras nitong Martes, sinabing nakipaghabulan pa ang truck bago naharang ng mga awtoridad.
Sinabi ng pulisya na tumakas ang tatlong sakay ng truck matapos silang sitahin ng mga taga-Municipal Protection and Safety Office dahil sa kaduda-duda nilang aktibidad sa gilid ng Felix Avenue.
“Nakita niya po ‘yung hose na nakalagay doon sa drainage. At nakita rin niya na nagtatapon sila ng dumi, at medyo mabaho po ‘yung amoy,” ayon kay Police Chief Master Sergeant Nerico Sulit, police investigator in-charge.
Pagkabukas sa truck, tumambad ang makina nito na umaalingasaw.
“Hindi po siya mapagkakamalan na sumisipsip ng dumi at nagtatapon. Kasi ang aluminum van po na iyon talagang covered, at saka pagbukas, nandoon ang makina,” sabi pa ni Sulit.
Timbog ang tatlong sakay ng truck na tumanggi sa paratang.
“‘Di umano sabi po nila na may ginagawa lang po sila, nasiraan po sila, ginagawa ang tambutso. Pero ayon po sa ating MPSO, nakita po talaga silang aktual nagtatapon ng dumi,” ayon pa kay Sulit.
Humingi ang mga suspek ng tawad sa mayor ng Cainta, at sinabing napag-utusan lang.
Sasampahan sila ng reklamong paglabag sa RA 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000, RA 9275 o Philippine Clean Water Act of 2004 at ordinansa ng munisipyo. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
