Patay ang isang dating guro matapos siyang barilin habang nagpapagasolina sa Bayambang, Pangasinan. Ang tumakas na suspek na kapitbahay ng biktima, nahuli sa follow-up operation ng mga pulis.
Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Alfredo dela Cruz, 60-anyos, residente ng Barangay Bical Norte.
Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na nagpapagasolina ang biktima nitong Martes ng umaga nang lapitan siya ng suspek at barilin sa ulo.
Tumakas ang suspek pero nakilala siya sa tulong ng closed circuit television (CCTV) camera, at naaresto kinalaunan sa bayan ng Sual.
Ayon kay Bayambang Police Chief Lt. Col. Rommel Bagsic, may dati nang alitan ang dalawa dahil sa right of way sa kanilang tinitirhan.
“Old grudge. Ito pong biktima ay nagpa-blotter po sa barangay ng Bical Norte dahil sa reklamong sinarhan nitong suspek iyong daanan nila na papunta sa kanilang bahay. Right of way na iyon. Claim ng biktima, hindi naman nila parehong pagmamay-ari iyong kalsada,” sabi ni Bagsic.
Ayon naman sa kapatid ng biktima na si Rolando, “Siguro nagtanim ng galit iyong suspek, hanggang siguro natiyempuhan iyong kapatid ko.”
Nalaman din ng pulisya na may kinakaharap na iba pang kaso ang suspek at nakalalaya lang sa bisa ng piyansa.
Hindi na nagbigay ng pahayag ang suspek na mahaharap sa kasong murder.—FRJ GMA Integrated News

