Natagpuan ang isang bangkay ng lalaking sanggol na dalawang araw na umanong palutang-lutang sa isang creek sa Angono, Rizal.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing napagkamalan pang manyika ang patay na sanggol sa Barangay San Vicente nitong Miyerkoles.

Sinabi ng barangay na kasama ng bata ang mga basura at patay na hayop sa tubig.

"Nakita namin na nakadapa 'yung bata. 'Yung bata may katabing daga, may tilapia na mga patay, tapos maraming dahon. Ang akala namin talaga, 'yung parang laruan ba. Nu’ng makita namin may dumapo na langaw, ‘yun, du’n na. Hubad na hubad 'yung bata po. Kawawa 'yung bata talaga,” sabi ni Albino Bautista, BPSO chief ng Barangay San Vicente.

Kalaunan, lumusong sa creek ang isang residente para kunin ang patay na sanggol.

Binalot at itinabi muna ang bangkay habang hinihintay na dumating ang mga awtoridad.

“Buo pa talaga 'yung katawan niya. Nakita namin 'yung bata, wala talaga ang pusod. Tapos may nakita namin dito sa leeg niya, parang ano ba, parang may guhit. May guhit talaga. Parang sugat,” sabi ni Bautista.

Batay sa tantiya ng barangay, nasa dalawang araw nang nagpapalutang-lutang sa tubig ang sanggol.

“Tinanong din po namin kung may report po dun sa pulis, ay wala naman daw pong naghahanap ng kanilang mga anak o sanggol na nawawala. Kaya ipagtatanong din nila sa mga kalapit na barangay o lugar, Binangonan, Cainta, at saka nasa SOCO na rin po kung may foul play po du’n sa pangyayari o wala,” sabi ni Manny Espiritu, BPSO Desk Officer ng Barangay San Vicente.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad kung saan nagmula ang inanod ang sanggol patungo sa creek ng San Vicente. —Jamil Santos/AOL GMA Integrated News