Nasawi ang isang tatlong-taong-gulang na lalaki na sakay ng motorsiklo kasama ang ama matapos itong magulungan ng road grader nang mitumba sila sa Buenavista, Guimaras.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Huwebes, sinabing lumabas sa imbestigasyon na tinatahak ng mag-ama ang kalsada sa Barangay Umilig nang tumigil sila nang may makasalubong na isang road grader.

Sa kasamaang palad, nakaapak ng bunga ng niyog ang ama kaya nawalan siya ng balanse na dahilan para matumba ang kanilang motorsiklo.

Dito na nagulungan ng road grader ang bata na idineklarang dead on arrival sa ospital.

Mahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide ang driver ng road grader. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News