Nabangga at tinakbuhan ng driver ng elf truck ang isang 33-anyos na babae na kaniyang nahagip sa Barangay Macalaoat sa Cabatuan, Isabela.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, makikita sa CCTV camera sa tapat ng barangay hall na naglalakad sa gilid ng kalsada ang biktima noong madaling araw ng Lunes.
Nanggaling naman mula sa likuran ng biktima ang elf truck na nakahagip sa babae, at kaniyang iniwang nakahandusay sa daan.
Dinala ng mga sumaklolo sa ospital ang biktima pero hindi na umabot nang buhay.
Sa ginawang backtracking ng awtoridad, nahuli ang driver ng truck sa isang checkpoint sa bahagi na ng Amulong sa Cagayan noong gabi ng Lunes.
Walang pahayag ang driver ng truck na mahaharap sa kaukulang reklamo.—FRJ GMA Integrated News
