Limang bungo ng tao ang natagpuang nakasilid sa kahon na binalutan ng trash bag sa gilid ng Liana Road, Barangay Tungkong Mangga, San Jose del Monte City, Bulacan noong Hulyo 13. 

Ayon sa mga pulis, isang caretaker ng lote ang nakakita sa kahon na may lamang mga bungo at agad niya itong inireport sa mga otoridad. 

“Habang bibili sana siya ng pagkain, nakita niya may box kasi caretaker po itong nakakita, nung chineck niya po yung box doon niya po nadiskubre na yung laman po is puro bungo,'' sabi ni Police Corporal Ryand Paul Antimaro, ang investigator-on-case ng SJDM City Police. 

Dagdag pa ng mga pulis, wala nang ngipin ang mga bungo na naka-packaging tape at nakatanggal ang mga panga nito.

Ang isa sa apat na bungo, may nakasulat anila na numero.

“Yung apat na bungo parang ano naman siya kumbaga malinis wala naman siyang tama yung isa lang parang may basag sa may parteng sentido, hindi natin alam kung ano ba ang ano dun, o tama ba ng baril o ano hindi po natin masabi,'' ani Antimaro. 

Dinala na ang mga natagpuang bungo sa Camp Crame at isinasailalim na sa anthropological, odontological, at DNA examination. 

Sa ngayon, wala pa anilang lumalapit para magpasuri kung labi ito ng kanilang kaanak. 

Nagba-back tracking din daw ang mga otoridad para matukoy ang pagkakakilanlan ng nag-iwan ng mga bungo. 

Matatandaang noong Hulyo 13, nagsasagawa rin ng search and retrieval operation ang mga otoridad sa Taal Lake para sa mga nawawalang sabungero. 

Hindi pa raw masabi ng SJDM Police kung konektado ang mga nakuhang bungo sa kaso ng mga missing sabungero.

“Kung ano po yung magiging result ng nakuha sa Batangas at dito sa amin, siyempre po subject [to] DNA testing kung magmamatch sa standard ng mga pamilya nung missing sabungero tsaka po iaano sa amin…kung makakatulong po yung imbestigasyon namin puwede rin po kaming magsubmit,'' sabi ni Antimaro.

Iimbestigahan din daw nila kung may kinalaman ito sa paggamit ng mga buto sa pag-aaral ng medisina. —VBL GMA Integrated News