Patay ang isang 17-anyos na binatilyo matapos siyang saksakin ng 21-anyos niyang kaibigan sa Leganes, Iloilo. Ang ugat umano ng away, ang pagpapa-tattoo ng nobya ng biktima sa suspek, kaya nagselos ang biktima.
Sa ulat ni John Sala ng GMA Regional TV sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing dumanak ang dugo sa isang tindahan sa Barangay Poblacion, kung saan isinagawa ng suspek ang pananaksak sa biktima.
Lumabas sa imbestigasyon na nagtalo ang dalawa habang magkasama silang nag-iinuman.
Nagselos umano ang biktima sa kaniyang nobya at sa suspek.
“About po doon sa tattoo, kasi po nagta-tattoo po ‘yung suspek. Ang inisip po ng biktima is nagpa-tattoo po ‘yung girlfriend niya roon sa suspek. Doon po nagsimula po ‘yung misunderstanding o pagseselos,” sabi ni Police Captain General Robles, hepe ng Leganes Municipal Police Station.
Nagtamo ng saksak sa tagiliran ang biktima at dead on arrival sa ospital.
Bago isugod sa ospital, nakapagsumbong pa ang biktima kasama ang iba pang kaibigan sa pulisya.
Lubos ang pagdadalamhati ng pamilya ng biktima. Ayon sa kanila, masipag at mabait na anak at apo ang binatilyo.
“Ang sakit talaga. Ang pera, makikita ‘yan. Siya ang aking unang apo, nandito siya araw-araw,” sabi ng lola ng biktima.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek, na tumangging magbigay ng pahayag at mahaharap sa reklamong murder. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
