Kusang nagtungo sa pulisya ang lalaking nakuhanang naka-brief lang habang sumasayaw sa ibabaw ng tricycle sa Iloilo City, at nagpaliwanag tungkol sa kaniyang ginawa.
Sa ulat ng 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabi ng pulisya na natukoy na ang pagkakakilanlan ng lalaki at ng driver. Isa sa tatlo nilang kasama ay menor de edad pa.
Matapos mabalitaang pinaghahanap sila ng mga awtoridad, kusang pumunta sa estasyon ang mga sangkot.
Ayon sa lalaking nagsayaw, ginaya lamang niya ang isang vlog.
Gayunman, hindi nagustuhan ng Land Transportation Office Region 6 ang kanilang inasal, at nagbabala na posibleng hindi na payagang magka-lisensya ang tricycle driver.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na kunan na pahayag ang lalaki at kaniyang mga kasama.
Nakuhanan ng video ang lalaki na sumasayaw nang nakahubad at naka-brief lang madaling araw ng Hulyo 31 sa Diversion Road sa bahagi ng Mandurriao. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
