Isa ang nasawi at 10 ang sugatan nang bumangga sa bakod ng tulay ang isang pickup truck sa General Santos City. Ang isa sa mga sakay nito, tumipon sa ibaba ng sapa na walang tubig nang mangyari ang insidente.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing pauwi na ang mga biktima galing sa isang resort sa T’boli, South Cotabato nang mawalan umano ng preno ang sasakyan sa pababang bahagi ng daan nitong Huwebes ng hapon sa Barangay San Jose.
Ayon sa pulisya, babaeng 49-anyos ang nagmamaneho sa sasakyan na wala nang nagawa nang hindi na makontrol ang manibela at tumama sa bakod ng tulay.
Sa lakas ng pagkakabangga, nasira ang mga gulong ng pickup at tumilpon ang ilan sa mga sakay nito.
Ang isang pasahero, nalaglag pa sa ibaba ng sapa na may taas na 10 metro.
Isang pasahero na 65-anyos ang idineklarang dead on arrival sa ospital.
Tinitingnan ng mga awtoridad kung may kaugnayan ang overloading kaya nangyari ang sakuna.
“Tinitingnan din natin ang overloading na naging dahilan [ng aksidente] kasi sabi nga ng driver nawalan siya ng preno. So siyempre mabigat yung sasakyan niya at hindi talaga kayang I maneuver dahil nga pababa at mabigat yung karga niya,” ayon kay Traffic Enforcement Unit Chief, Lt. Col. Joel Fuerte.
Posibleng maharap ang driver sa mga reklamong reckless imprudence resulting in homicide and multiple serious physical injury.
Sinusubukan pa ng GMA Region TV One Mindanao na makuhanan ng pahayag ang driver at ng mga pasahero niya.—FRJ GMA Integrated News
