Pumanaw na ang 15-anyos na babaeng estudyante na binaril ng kaniyang dating nobyo sa Sta. Rosa Integrated School sa Nueva Ecija, ayon sa pulisya nitong Miyerkoles.
Sa ulat ni Mark Makalalad ng Super Radyo dzBB, kinumpirma ni Nueva Ecija Police director Police Colonel Heryl Bruno, na pumanaw ang biktima noong Martes ng gabi.
Bago nito, pumanaw din ang 18-anyos na suspek isang araw matapos siyang magbaril sa sarili makaraan niyang barilin ang biktimang dalagita noong nakaraang linggo.
Pumasok sa paaralan na pinapasukan ng biktima ang suspek noong umaga Agosto 7, at sinubukang ilabas ang dalagita mula sa classroom.
Nang tumanggi ang biktima, hinatak niya ang dalagita at binaril, at pagkatapos ay binaril niya rin ang sarili.
Narekober ng mga awtoridad ang isang .22 na snub-nose revolver sa pinangyarihan ng krimen.
Hinihinala ng mga awtoridad na hindi natanggap ng suspek ang pakikipaghiwalay sa kaniya ng dalagita.
Kinondena ng Department of Education (DepEd) sa Nueva Ecija ang pamamaril, na tinawag itong hindi katanggap-tanggap at idiniing walang lugar sa mga paaralan ang karahasan.
Kasalukuyang tumatanggap ng tulong para sa trauma ang mga estudyanteng nakasaksi sa insidente. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
