Duguan at may mga saksak sa katawan nang datnan ang isang babae sa isang gadget store sa Cabuyao, Laguna. Ang suspek sa krimen, tinangay din ang 30 piraso ng cellphone at mahigit P21,000 cash mula sa tindahan.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing nadatnan ng mga katrabaho ang duguang katawan ng 27-anyos na biktima sa loob ng gadget store sa Barangay Mamatid nitong Lunes ng umaga.
Sinabi ng pulisya na sumalisi umano ang salarin noong magbubukas pa lang ang tindahan.
Natangay ng salarin ang mga cellphone na tinatayang nagkakahalaga ng P92,000 bukod pa sa mahigit P21,000 na pera.
“Nagkaroon po siya ng tatlong saksak sa kaniyang katawan, isa po sa leeg, sa balikat at sa kaniyang stomach,” sabi ni Police Captain Arnel Villanueva, Police Community Relations and Logistics Chief ng Cabuyao Police.
Nakatawag pa ang biktima sa kaniyang manager para iparating ang insidente. Ngunit makaraan ang ilang minuto, hindi na sumasagot sa tawag ang biktima, ayon sa manager.
Isinugod pa ang biktima sa ospital pero hindi na siya umabot nang buhay.
Batay sa mga CCTV footage na nakuha ng pulisya at hindi muna ibinigay sa media, maririnig sa katabing tindahan na ilang beses sumigaw ang biktima.
“Hindi po agad-agad siyang makikita ng mga dumadaan doon na ibang tao dahil nakasara po nang kalahati ang roll-up door ng tindahan at tsaka busy area din po 'yung lugar na 'yun. Hindi po basta-basta maririnig ang kaniyang sigaw,” sabi ni Villanueva.
Sa isa pang pribadong CCTV na kanilang nakuha, isang lalaki ang makikitang sakay ng tricycle na umaaligid umano sa lugar ilang minuto bago ang krimen.
Muli siyang nakita sa CCTV na may dalang eco bag sa sidecar ng tricycle na pinaglagyan umano ng mga cellphone.
May person of interest na ang pulisya.
Narekober na ng mga awtoridad ang tricycle na pagmamay-ari umano ng kapatid ng person of interest sa kaso.
Batay sa imbestigasyon, mag-iisang linggo pa lang sa Cabuyao ang lalaki at nagpaalam sa kaniyang kuya na hihiramin ang tricycle.
Ayon naman sa barangay, mag-iisang linggo pa lang din na nagbukas ang gadget store, at wala ring CCTV ang establisimyento.
Patuloy ang follow-up operation ng mga awtoridad para madakip ang salarin. –Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
