Isang kotse ang natagpuang nakabaligtad sa Sariaya, Quezon. Ang driver nito, patay na at nakaipit sa loob.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing nakita ng mga taga-barangay Bantilan at barangay Santa Catalina Sur ang nakabaligtad na kotse.
Sinilip ng mga residente ang sasakyan, at doon natuklasan nila ang bangkay ng driver na kalaunan ay nalamang residente rin sa lugar.
Batay sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, naaksidente ang kotse bandang 2 a.m.
Isinailalim sa autopsy ang bangkay ng driver.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang mga kaanak ng driver, habang patuloy ang imbestigasyon ng Sariaya Police sa sanhi ng aksidente.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
Kotseng nakitang nakabaliktad sa Quezon, may patay sa loob
Agosto 14, 2025 3:40pm GMT+08:00
