Nasawi ang isang mag-asawa matapos sumalpok sa kanilang kainan na nasa gilid ng kalsada ang isang pampasaherong bus sa Santa Rosa, Nueva Ecija.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa GTV News Balitanghali nitong Huwebes, sinabing kritikal ang lagay ng driver ng bus na isinugod sa ospital.

Masuwerte namang walang nadamay sa mga pasahero ng bus nang mangyari ang insidente nitong Miyerkules ng madaling araw sa Barangay Santo Rosario.

Bukod sa kainan, inararo rin ng bus ang ilang sasakyan at tindahan na nasa gilid din ng kalsada.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.

Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang mga kaanak ng biktima, at ang pamunuan ng kompanya ng bus.—FRJ GMA Integrated News