Tukoy na ng mga awtoridad kung sino ang mga high school student na nanggulpi umano at hinihinalang dahilan kaya ilang araw na na-comatose ang biktimang siyam na taong gulang sa Iligan City. Patuloy naman ang pagbuti ng kalagayan ng biktima matapos magkamalay.
Bagaman tukoy na, sinabi sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV News, na hindi basta-basta makakasuhan ang mga suspek dahil pawang menor de edad na 13-anyos, ayon sa Iligan City Police Office (ICPO).
Sinabi ni ICPO Spokesperson Zandrex Panolong, kapag nakuhanan na nila ng pahayag ang biktima tungkol sa pangyayari, dadalhin nila ang usapin sa City Prosecutor’s Office upang ito ang magdedesisyon kung ipadadala ang mga suspek sa Bahay Pag-asa center para sa kaukulang intervention program.
Ang ina ng biktima, desidido na sampahan ng reklamo ang mga nanakit sa kaniyang anak na dahilan para nalagay sa alanganin ang buhay ng bata.
“Di pwede ang pasaylo-pasaylo ra uy kay sa ilang gibuhat, dili. Ok lang og wala nila ni (gikulata)… hapit mamatay ang akong anak… kritikal kaayo ang akong anak paghatod namo diri unya i-agi ra og pasaylo,” sabi ni Genalyn Ensipido.
Patuloy naman ang pagbuti ng kalagayan ng biktima mula nang magkamalay habang nakaratay sa isang ospital sa Cagayan de Oro City.
Sa video at mga larawan na kuha ng isang kamag-anak, makikita na wala na ang intubation tube sa nakakabit sa biktima, at nakakangiti na siya.
Hindi pa raw nakakapagsalita ang biktima at nagagawa lang na makipagkomunikasyon sa ngayon sa pamamagitan ng pagsenyas ng kaniyang mga kamay.
May nararamdaman pa siyang sakit sa dibdib at mukha.
Una rito, sinasabing pauwi na ang biktima nang abangan umano ng mga suspek at pagtulungang gulpihin.
Bago ang insidente, may inawat umanong nag-aaway ang biktima. – FRJ GMA Integrated News

