Naaresto ng mga awtoridad sa buy-bust operation ang lalaking nag-viral sa social media na makikita sa video na gumagamit umano ng ilegal na droga sa Cagayan de Oro City.
Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing nadakip ang 21-anyos na suspek sa isang buy-bust operation noong Miyerkoles na isinagawa sa Barangay Canitoan sa nasabing lungsod.
Nakuha umano sa suspek ang ilang sachet na may laman na hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng halos P4,000.
Ayon kay Cagayan de Oro City Police Office (COCPO) Spokesperson Police Captain Emilita Simon, isinagawa ang operasyon laban sa suspek hindi lang dahil sa viral video niya, kung hindi dahil na rin sa impormasyon na nagtutulak ito ng ilegal na droga.
Nalaman na ang suspek ang nasa viral video matapos na siyang maaresto sa buy bust operation.
Dati na ring nakulong ang suspek dahil sa ilegal na droga pero nakalaya.
Ayon kay Simon, idinahilan ng suspek na luma na ang video niya na nag-viral, at ibang tao umano ang nag-post para i-blackmail siya.
Nakadetine ang suspek na mahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165). – FRJ GMA Integrated News
