Tatlo ang patay habang dalawa ang kritikal makaraang sumalpok sa dalawang bahay ang isang private van sa gilid ng highway sa Barangay Abuyon, San Narciso, Quezon pasado alas kuwatro ng hapon nitong Sabado.
Ayon sa report ng San Narciso Municipal Police Station, nanggaling sa town proper ng San Narciso ang mga biktima at pauwi na sana sa Abuyon.
Sa hindi pa malamang dahilan ay inararo ng van ang dalawang bahay sa gilid ng highway. Sa tindi ng pagsalpok ay halos mawasak ang van at ang dalawang bahay.
Makikita sa isang video ang mga biktima na nakahandusay sa lupa matapos tumilapon mula sa van. Ilan sa kanila ay wala nang buhay.
Kaagad naman na na-rescue ang mga sugatan at isinugod sa pagamutan. Kinilala ang mga nasawi na sila Efren Balagosa 45, Florencio Lumanglas 62, at Merelyn Lumanglas, 57.
Maswerteng wala namang nasawi o nasaktan sa mga residente ng dalawang bahay na inararo ng van.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang San Narciso Municipal Police Station. Kabilang sa mga dahilan ng aksidente na aalamin ay kung ito ba ay human error o mechanical error. –VBL GMA Integrated News

