Nag-viral ang video ng pananampal ni Mayor Gungun Gica ng Dumanjug, Cebu sa isang lalaki na kamag-anak umano niya na suspek sa online pornography. Ang kaniyang ginawa, iniimbestigahan ng Commission on Human Rights.
Sa ulat ni Allan Domingo ng GMA Regional TV sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang Facebook video ni Mayor Gica na ilang minuto niyang kinakausap ang isang mag-asawa.
Ayon kay Gica, kamag-anak niya ang lalaki. Nagtungo ang mag-asawa sa kaniyang bahay tanghali ng Agosto 19 upang magpatulong sana na linisin ang kanilang pangalan.
Lunes, Agosto 18, nang ipadakip ang dalawa matapos magsumbong ang isang 11-anyos na babae sa municipal social worker na ginamit umano siya ng mag-asawa sa online pornography sa loob ng isang taon.
Ang babae, umamin sa ginawa nila sa bata. Ayon sa kaniya, maging siya mismo ay nag-o-online pornography at mga dayuhan umano ang karamihan sa kanilang mga kliyente.
Umamin din ang lalaki na may ginawa siyang kalaswaan sa bata.
Matapos arestuhin at ikulong ang mag-asawa, may nagtungo sa tanggapan ng MSWDO na nagsumbong na may iba pang batang biktima ang dalawa.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon sa mag-asawa at ayon sa mayor, inihahanda na ang mga kasong cyber pornography at child exploitation.
Sa isa pang post ni Mayor Gica sa Facebook, sinabi niyang hindi siya takot mabahiran ng dugo ang kaniyang mga kamay para lang masigurong matitigil ang mga krimen, lalo na laban sa mga bata.
“We will look into it and should there be proof na may violation on the part of the mayor as a state actor. We're looking into this na magpadala ng team of investigators to verify,” sabi ni Atty. Arvin Ordon, CHR Region 7.
“I welcome them because it's the responsibility ng kanilang office. I believe na may nagawa ako na sa kanilang paningin ay may paglabag. I welcome the CHR investigation. Walang problema,” sabi ni Gica. –Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
