Nabulabog ang mga nagsu-zumba sa isang plaza sa Ormoc City, Leyte, nang mapatakbo ang isang senior citizen na lalaki na hindi lang pawis ang tumatagaktak mula sa katawan, kundi may kasama na ring dugo mula sa kaniyang likuran dahil sa tinamong saksak.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ang lalaking duguan na itinago na pangalang “Leo,” sinaksak pala ng senior citizen na rin na suspek na tinawag sa pangalang “Ron,” na nagtanim sa kaniya ng galit dahil sa selos.
Pinaghihinalaan ni Ron na may lihim na relasyon ang kaniyang asawa na itinago sa pangalang “Elsa,” sa lalaking kaniyang sinaksak na si Leo.
Dating security guard si Leo sa opisina na pinapasukan ni Elsa. At kapag nagpupunta umano si Ron sa pinapasukan ng kaniyang asawa, nakikita niya ang magandang pagtitinginan ng dalawa.
Nakita pa raw ni Ron na minsang isinakay ni Leo sa motorsiklo si Elsa, bagay na itinanggi naman ng biktima.
Bagaman magkaibigan ang dalawa, mariing pinabulaanan ni Leo na may relasyon sila ni Elsa.
Sa kabila rin ng pagtanggi ni Elsa sa hinala ng asawa, patuloy na nagtanim ng galit si Ron kay Leo, at tumanim sa isip na maghiganti. Hanggang sa makakita na siya ng tiyempo noong nakaraang linggo sa plaza habang nagsu-zumba ang biktima na tinarakan niya ng patalim sa likod ng dalawang ulit.
Ayon sa duktor, mabuting hindi malalim ang tinamong saksak ni Leo kaya nakaligtas ito sa kamatayan.
Sa viral video, makikita si Leo na napatakbo papalayo habang nakasunod sa kaniya si Ron na may hawak ding baril na kalibre .38.
Mabuti na lang at may pulis sa lugar at nakasigaw si Leo para humingi ng tulong. Kaya napilitan si Ron na tumakas sakay ng motorsiklo.
Ngunit hindi nagtagal, naaresto rin ng mga pulis si Ron at nakuhanan siya ng patalim at baril. Nakadetine siya ngayon at nahaharap sa mga kasong frustrated murder at illegal possession of firearms.
Habang patuloy na nagpapagaling si Leo sa tinamong mga saksak, humihingi naman ng kapatawaran si Ron na nahaharap sa mga kaso maaaring tuluyang maglagay sa kaniya sa likod ng rehas ng hanggang 30 taon kung mapapatunayang guilty.
Mapatawad kaya si Leo? Tunghayan ang buong kuwento sa video ng “KMJS.” – FRJ GMA Integrated News
