Patay ang isang mag-asawa at isa nilang anak, habang sugatan ang isa pa sa nangyaring pananambang sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte nitong Lunes.

Sa ulat ni Efren Yunting Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabing sakay ng tricycle ang mag-anak nang pagbabarilin sila ng mga nakatakas na salarin sa Barangay Nalinan.

Agad na nasawi ang padre de pamilya na nagmamaneho sa tricycle, habang dead on arrival sa ospital ang 32-anyos na ginang at 16-anyos nilang anak na babae.

Sugatan naman ang 11-anyos nilang anak na lalaki.

Napag-alaman na residente ng Cotabato City ang mag-anak.

Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa mga salarin.

“Sa ngayon, unidentified pa yung suspects natin, same with the motives,” ayon kay Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) Spokesperson, Police Lieutenant Colonel Jopy Ventura.—FRJ GMA Integrated News