Kalunos-lunos ang sinapit ng isang babaeng anim na taong gulang na nasawi matapos tamaan ng bala ng baril sa pisngi sa Victorias City, Negros Occidental.

Sa ulat ni Eileen Pedreso sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Martes, inihayag ng pulisya na aksidenteng nabaril umano ang bata ng mismong ama nito.

Batay sa kuwento ng 32-anyos na ama, nangyari ang insidente habang nakikipag-inuman siya kasama ang mga kaibigan.

Pinaglaruan umano niya ang baril at aksidenteng pumutok, at tinamaan sa pisngi ang kaniyang anak.

Dinala sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay.

Hindi na umano sasampahan ng pamilya ng kaso ang suspek pero hinahanap ng pulisya ang baril na hindi lisensiyado. – FRJ GMA Integrated News