Isang garbage collector na may negosyong pautang sa mga katrabaho ang patay matapos barilin sa noo sa Naga, Cebu.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing nakita ang bangkay ng biktima sa gilid ng kalsada sa Barangay Pangdan.
Sinabi ng mga awtoridad na papasok na ang biktima sa pinagtatrabahuhan niyang material recovery facility nang maganap ang insidente.
Kasama sa mga nawawala umanong gamit ng biktima ang isa sa suot niyang kwintas, dalawang bagong biling cellphone at dalawang bag na may laman umanong pera na aabot sa mahigit P30,000.
Nangangalap na ang mga awtoridad ng mga CCTV footage para matukoy ang mga nasa likod ng pamamaril. — Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
