Nasawi ang isang ama at isa niyang anak nang mauwi sa engkuwentro ang buy bust operation na isinagawa laban sa kanila ng mga awtoridad sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte. Ang mga suspek, nanlaban umano.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabing nagpaputok ng baril ang mga suspek nang matunugan nila na mga pulis ang kaniyang katransakyon sa bentahan ng ilegal na droga.

Ayon sa pulisya, gumanti ng putok ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkasawi ng suspek na ama at isang anak nito.

Isa pang anak na 18-anyos ang naaresto, habang nakatakas ang isa pa.

Itinuturing high value target ang mag-aama sa illegal drug trade.

Nakumpiska umano sa naturang operasyon mula sa mga suspek ang hinihinalang shabu na may timbang na 240 grams na nagkakahalaga ng mahigit P1.6 milyon, dalawang baril at mga magazine.

Sasampahan ng reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165) ang nadakip na anak, habang tinutugis pa ang kapatid nito. – FRJ GMA Integrated News